Hinimok ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang publiko na pagnilayan ang tunay na kahulugan ng Araw ng Kalayaan, kasabay ng paalala na ang kasarinlan ay hindi lamang selebrasyon kundi patuloy na tungkulin ng bawat Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa paggunita ng ika-128 Araw ng Kasarinlan sa National Museum of Social History na dating kilala bilang Pamintuan Mansion, binigyang-diin niya na ang isang tunay na malayang bansa ay nakabatay sa katarungan, dahil ang tunay na katarungan ay malaya rin.

Ayon kay Gesmundo, hindi natatapos ang laban para sa kalayaan kahit mahigit isang siglo na ang nakalipas mula nang unang ipagdiwang ito. Aniya, patuloy itong isinasabuhay sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka ng mamamayan.

Nanawagan din siya sa publiko na ipagtanggol ang kalayaan hindi lamang laban sa pananakop, kundi maging laban sa korapsyon, pagkamakasarili, at kapabayaan sa lipunan.

Binigyang-diin din ng punong mahistrado na kaakibat ng mga karapatan ay ang pananagutan bilang mamamayang Pilipino.

Dumalo rin sa naturang paggunita ang mga lokal na opisyal ng Angeles City, kung saan dating ginanap ang unang anibersaryo ng deklarasyon ng kasarinlan na pinangunahan ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo.