Sugatan matapos pagbabarilin ang isang lalaki habang sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Highway 1 sa Barangay Sarmiento nitong Huwebes ng umaga, Mayo 14.
Kinilala ang biktima na si John Laurence Glang Lagura, nasa hustong gulang at residente ng naturang barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-6:55 ng umaga nang pagbabarilin umano ang biktima habang sakay ng motorsiklo at patungo sa Barangay Polloc.
Tinukoy naman ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas Arnold at Angelo na kapwa umano residente ng Landasan.
Ayon sa ulat, agad na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente gamit din ang motorsiklo.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima at agad isinugod sa Integrated District Hospital para sa agarang gamutan.
Samantala, agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Parang Municipal Police Station katuwang ang 1401st Regional Mobile Force Battalion 14A para sa posibleng pagdakip sa mga suspek.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga kalapit na himpilan upang magsagawa ng dragnet operation at harangan ang posibleng rutang dinaanan ng mga tumakas na salarin.
















