Labis ang pasasalamat ni Congressman-Elect Esmael “Toto” Mangudadatu sa Poong Maykapal sa muling pagkakaloob sa kanya ng pagkakataong makapaglingkod bilang mambabatas matapos ang kanyang tagumpay sa nagdaang halalan.

Ilang linggo makalipas ang halalan, inamin ni Mangudadatu sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato na hanggang ngayon ay tila hindi pa rin siya makapaniwala sa kanyang pagkapanalo.

Ayon sa kanya, sa social media lamang sila nag-monitor ng bilangan at nang makita niyang tila dehado siya sa resulta, agad niya itong isinuko sa Diyos at hinayaan na lamang ang Kanyang kalooban ang mangyari.

Pasado alas-tres ng madaling-araw nang makatanggap siya ng tawag mula sa kanyang abogado na nagsabing siya ang nanalo—isang balitang ikinagulat at labis niyang ikinatuwa.

Lubos din ang kanyang pasasalamat sa mamamayan ng Maguindanao del Sur, sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP), kay Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, at kay Incoming Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang sa hindi matatawarang suporta at tiwala na ibinigay sa kanya.