‎Kaalinsabay ng pagtaas ng Philippine National Police sa full alert status sa buong bansa kasunod ng nangyaring tensyon sa Senado, sinabi ng Cotabato City Police Office o CCPO na ipatutupad din nila ang mas pinaigting na seguridad sa Cotabato City.

‎Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay PLt. Rochelle Evangelista, sinabi nitong nagsasagawa na sila ng proactive measures upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa buong lungsod.

‎Ayon kay Evangelista, kabilang sa mga ipinatutupad ng pulisya ang intensified patrol operations, checkpoints, at mas pinaigting na police visibility sa iba’t ibang lugar.

‎Dagdag pa nito, nagsasagawa rin umano sila ng accounting o pagsisiguro na kumpleto at nakaalerto ang lahat ng mga tauhan ng pulisya habang patuloy din ang koordinasyon nila sa iba pang security forces para sa mga kinakailangang operasyon.

‎Hindi pa naman matukoy ng CCPO kung hanggang kailan mananatili ang full alert status dahil nakasalalay pa rin umano ito sa direktiba ng national headquarters ng PNP.

‎Sa huling mensahe ng opisyal, nilinaw nitong hindi layunin ng alert status na magdulot ng takot sa publiko kundi bahagi lamang ito ng tungkulin ng kapulisan upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa lungsod.