Pinaiimbestigahan ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang umano’y banta ng pamamaril laban sa mga mag-aaral ng Coland Systems Technology Incorporated sa lungsod.

Sa pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook page, sinabi nitong nakipag-ugnayan na ang Office of the City Mayor sa National Bureau of Investigation o NBI at Cotabato City Police Office para matukoy ang nasa likod ng naturang pagbabanta.

Agad ding nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamunuan ng paaralan para sa kaukulang imbestigasyon at security measures.

Ayon kay Mayor Matabalao, maaari pa ring matukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng post kahit burahin o i-deactivate ng nag-upload ang ginamit nitong social media account, dahil maaaring masundan ang digital footprint nito.

Sinabi rin ng alkalde na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga nakalap na ebidensya at nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nagbabala naman si Mayor Matabalao sa nagpakalat ng naturang post na seryoso ang usapin at maaaring humarap sa kaukulang kaso sakaling matukoy ang responsable at mapatunayan ang mga ebidensya laban dito.

Samantala, kinumpirma rin ng Coland Systems Technology sa kanilang Facebook page na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng umano’y banta sa kanilang school community.

Ayon sa paaralan, nakikipag-ugnayan na sila sa mga kinauukulang ahensya at pinaiigting ang security at precautionary measures para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro at personnel.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado at huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon kaugnay ng insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Matatandaang sinuspinde rin ng Cotabato City Government ang klase sa mga paaralan mula Setyembre 21 hanggang 25 para sa pagsasagawa ng security assessment sa mga paaralan sa lungsod.