Matagumpay na naayos ang dalawang matagal nang alitan ng magkakapamilya o rido sa Lanao del Sur sa pamamagitan ng isang peace dialogue na pinangunahan ng 64th Infantry “Knights” Battalion, katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Bayang, Tubaran, at Pagayawan.

Ang unang kasunduang pangkapayapaan ay sa pagitan ng pamilya Abdul Razak ng Bayang at pamilya Bolawan ng Tubaran. Ayon sa militar, nag-ugat ang hidwaan sa usaping may kaugnayan sa pulitika na nauwi sa pagkasawi ng ilang indibidwal at nagdulot ng matinding epekto sa dalawang pamilya at kanilang mga komunidad.

Samantala, ang ikalawang rido ay kinasangkutan nina Barangay Guiarong, Tubaran Chairperson Bamer Sarip at Alimosa Sultan ng Barangay Guiarong, Pagayawan. Ang alitan ay nagsimula umano dahil sa alegasyon ng pagnanakaw ng mga alagang baka.

Pormal na isinagawa ang pagkakasundo sa pamamagitan ng panunumpa sa Banal na Qur’an bilang tanda ng kanilang taos-pusong pangako na wakasan ang hidwaan at panatilihin ang kapayapaan. Pinangunahan ang mediation ni Abdul Jabar M. Imam, na naging mahalagang bahagi sa muling pagkakasundo ng mga nag-alitang panig.

Dumalo rin sa naturang aktibidad sina dating Lanao del Sur 2nd District Representative Mauyag “Jun” Balt Papandayan at Board Member Abdul Hamid Amer Betor, na nagpahayag ng kanilang patuloy na suporta sa mga hakbang na naglalayong wakasan ang mga rido at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Bilang simbolo ng kanilang pagkakasundo, boluntaryo ring isinuko ng mga nagkasundong pamilya ang dalawang baril bilang pagpapakita ng kanilang pagtalikod sa karahasan at pagpili sa mapayapang pamumuhay.

Ayon kay 64th Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Jerry B. Gaviola, walang puwang ang rido sa isang maunlad na komunidad dahil nagiging hadlang ito sa pag-unlad, nakasisira sa imahe ng Lanao del Sur, at naglalagay sa kinabukasan ng susunod na henerasyon sa panganib. Hinikayat din niya ang lahat ng sektor na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang mapalakas ang pagkakaisa at mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan.