Arestado ng mga awtoridad ang dalawang (2) most wanted persons na nahaharap sa kasong frustrated murder sa isinagawang joint law enforcement operation noong Marso 30, 2026, sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Pinangunahan ng Lebak Municipal Police Station (MPS) ang operasyon sa pamamagitan ng kanilang tracker team, katuwang ang iba’t ibang yunit ng kapulisan kabilang ang 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, 2nd Maguindanao del Sur Provincial Mobile Force Company, Intelligence Unit ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, at ang Ampatuan Municipal Police Station.

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Noy,” 37 taong gulang, at alyas na “Ama,” 58 taong gulang. Kapwa sila magsasaka, may asawa, at residente ng Brgy. Tubac, Ampatuan, Maguindanao del Sur. Nakalista ang dalawa bilang ika-23 at ika-24 na most wanted persons ng Lebak.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Alias Warrant of Arrest na inilabas ni Hon. Judge Jordan R. Reyes, Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court, 12th Judicial Region, Branch 19 sa Isulan, Sultan Kudarat noong Agosto 24, 2012. May kaukulang piyansang itinakda na nagkakahalaga ng ₱200,000 bawat isa para sa nasabing kaso.

Sa pahayag ng Lebak MPS, muling pinagtibay ng kanilang tanggapan ang kanilang matibay na kampanya laban sa kriminalidad at ang patuloy na pagsisikap na mahuli at mapanagot sa batas ang mga taong may kinakaharap na kaso.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.