Binuwag ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad ang isang drug den at naaresto ang walong high-value target sa isinagawang buy-bust operation noong Abril 23, 2026 sa Rosary Heights 10, Cotabato City.
Pinangunahan ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Maguindanao del Norte Provincial Office katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya, kabilang ang City Mobile Force Company (CMFC), City Intelligence Unit ng Cotabato City Police Office (CIU-CCPO), City Intelligence Team (CIT), Regional Intelligence Unit 15 (RIU 15), at PNP Maritime Police.
Sa operasyon, nasamsam ng mga awtoridad ang 15 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 25 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P170,000. Narekober din ang dalawang Android mobile phones, buy-bust money, at iba’t ibang identification cards.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa kanilang mga alyas na “Nor” at “Ode,” na umano’y mga maintainer ng drug den, kasama ang kanilang mga kasamahan na sina “Pots,” “Bai,” “Yam,” “King,” “Datu,” at “Esmael.”
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek para sa tamang disposisyon. Haharapin nila ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman ang pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa iligal na droga sa rehiyon bilang bahagi ng mas malawak na operasyon upang masugpo ang ilegal na aktibidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

















