Gumuho ang bahagi ng tulay sa Barangay Callawa sa Davao City matapos ang malalakas na pag-ulan at pagbaha na nagsimula noong Lunes ng gabi, na nagdulot ng matinding abala sa biyahe ng mga residente at motorista sa lugar.
Batay sa mga larawang kumalat sa social media, makikitang bumigay ang bahagi ng istruktura ng tulay dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog sa ilalim nito habang patuloy ang pag-ulan.
Ayon sa mga dokumento, bahagi ang naturang tulay ng proyekto ng Department of Public Works and Highways sa ilalim ng Contract ID 17LO-0133 para sa concreting, widening, at improvement ng bypass road, kabilang ang reconstruction ng Callawa Bridge. Nilagdaan ang kontrata noong Mayo 11, 2017 at iginawad sa Premium Megastructures, Inc.
Batay sa Department of Public Works and Highways Region XI, may habang humigit-kumulang 15 metro ang tulay at matagal na umanong naaapektuhan ng erosion dahil sa paglawak ng ilog sa ilalim nito, na lalo pang pinalala ng tuloy-tuloy na malakas na ulan at pagbaha.
Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente, habang patuloy ang assessment ng mga awtoridad sa lawak ng pinsala at monitoring sa iba pang lugar na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.














