Pinangunahan ni Department of National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang high-level security assessment sa Basilan kasunod ng ambush sa mga tauhan ng militar sa Tipo-Tipo noong Oct. 5 2026.
Kasama ni Sec. Teodoro sina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Antonio G. Nafarrete at Basilan Governor Mujiv S. Hataman sa isinagawang assessment noong October 6 sa Headquarters ng 1101st Infantry “Gagandilan” Brigade sa Isabela City.
Tinalakay sa assessment ang kasalukuyang sitwasyon sa seguridad, mga operasyon ng militar at mga hakbang laban sa mga lokal na armadong grupo at mga ilegal na network na sumusuporta sa kanilang mga aktibidad.
Binigyang-diin ni Sec. Teodoro ang pangangailangang tugunan hindi lamang ang mga hiwa-hiwalay na insidente kundi pati ang mas malawak na hamon sa peace and order, kabilang ang ugnayan ng mga banta sa seguridad at illegal drug trade.
Nanawagan din siya ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng AFP, law enforcement agencies at mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.
Matapos ang assessment, nagtungo sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City upang dalawin ang mga sundalong nasugatan sa ambush at personal na alamin ang kanilang kondisyon.
Nagkaloob din ng mga parangal sa mga sugatang sundalo bilang pagkilala sa kanilang tapang, dedikasyon at serbisyo sa bayan.

















