Hindi umano nakatuon ang House prosecution panel sa dami ng botong kakailanganin upang mahatulan si Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial, kundi sa pagpapakita ng matibay at kapani-paniwalang ebidensya laban sa kanya.
Ito ang binigyang-diin ni House prosecutor at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno, kasabay ng pagbasura sa mga usap-usapan hinggil sa bilang ng mga senador na kinakailangan upang magkaroon ng hatol sa kaso.
Ayon kay Diokno, ang pangunahing layunin ng prosecution panel ay maipresenta nang malinaw sa Senate impeachment court ang mga ebidensyang sumusuporta sa mga reklamong isinampa laban sa Pangalawang Pangulo.
Sinabi rin niya na hindi naaapektuhan ng mga diskusyon tungkol sa bilang ng boto ang paghahanda ng prosecution team para sa paglilitis na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.
Sa kasalukuyan, abala ang prosecution sa pagsasaayos ng mga testigo, pagrepaso sa mga dokumento, at paghahanda ng mga argumentong ilalatag sa korte upang patunayan ang apat na Articles of Impeachment na inihain laban kay Duterte.
Kabilang sa mga alegasyong nakapaloob sa reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan.

















