Nagsagawa ng field inspection ang Department of National Defense at Department of Energy sa mga pangunahing pasilidad ng kuryente sa Maguindanao del Norte at Cotabato City kahapon, Setyembre 7, 2026, upang palakasin ang koordinasyon sa seguridad at matiyak ang tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente bago at habang isinasagawa ang nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.

Layunin ng inspeksyon na masuri ang seguridad ng mga critical energy facilities, matukoy ang mga posibleng kahinaan sa seguridad, at mapalakas ang mga contingency measures upang agad na makatugon sa anumang insidenteng maaaring makaapekto sa suplay ng kuryente sa panahon ng halalan.

Nagsagawa rin ng coordination meeting sa Headquarters ng 6th Infantry “Kampilan” Division sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, kung saan tinalakay ang Mindanao Power Outlook at ang kasalukuyang security situation ng mga critical energy facilities sa BARMM.

Kasunod nito, isinagawa ang security briefing at aktuwal na inspeksyon sa Cotabato Light and Power Company o CLPC at Maguindanao Electric Cooperative o MAGELCO.

Ayon kay Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, mahalaga ang mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, security forces, lokal na pamahalaan at energy stakeholders upang maprotektahan ang mga kritikal na pasilidad at mapanatili ang continuity ng power supply.

Sa pamamagitan ng naturang inter-agency coordination, inaasahang mapapalakas ang seguridad ng mga pasilidad ng kuryente at matitiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa mga komunidad bago at habang isinasagawa ang BARMM elections.