Isinusulong ngayon ng Department of Health (DOH) ang tuluyang pagbabawal sa paggamit ng vape o e-cigarettes bilang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko laban sa masasamang epekto nito.

Ayon kay DOH Health Promotion Bureau OIC-Director III Dr. Dominic Maddumba, layunin ng panukala na mabawasan at tuluyang matigil ang paggamit ng vape dahil sa mga panganib na dulot nito sa katawan.

Sinabi ni Maddumba na kung hindi man maaprubahan ang total ban, nais ng DOH na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa mga vape products. Kabilang dito ang posibleng pagtanggal sa iba’t ibang flavor ng vape na umano’y mas nakakaakit lalo na sa mga kabataan.

Paliwanag pa ng opisyal, masyadong nakakaengganyo ang mga flavored vape kaya’t mas mabuting ituring na lamang ang mga ito tulad ng ordinaryong tobacco products upang mabawasan ang interes ng publiko, partikular ng mga menor de edad.

Nauna nang nagbabala ang DOH na maaaring magdulot ang paggamit ng vape at iba pang produktong tabako ng seryosong sakit gaya ng cancer, cardiovascular disease, at iba’t ibang komplikasyon sa baga.

Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng kagawaran ang mga hakbang at polisiya upang higit na mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan, lalo na ng kabataan, laban sa panganib ng paninigarilyo at vaping.