Tinugunan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kalagayan ng babaeng nasangkot sa viral video kung saan makikitang lumalabas siya mula sa isang imbornal sa Makati City.
Nakilala ang babae bilang si Rose. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, bibigyan si Rose ng P80,000 na pangkabuhayan assistance upang matupad ang kanyang pangarap na makapagtayo ng sariling tindahan.
Kasama rin sa plano ng ahensya ang pagbibigay ng suporta sa kinakasama ni Rose na si Jerome, na may kasanayan sa welding. Inaaral na mabigyan ito ng pagsasanay at kagamitan gaya ng welding machine upang makapagsimula rin ng sariling kabuhayan.
Personal ding nag-ikot si Secretary Gatchalian sa ilang bahagi ng Makati upang abutin ang iba pang mga walang tirahan. Layunin nitong hikayatin silang sumama sa ‘Pag-abot Shelter,’ isang programa ng DSWD para sa mga naninirahan sa kalsada.
Nagpahayag naman si Rose ng kahandaang tumulong sa ahensya, partikular sa paghikayat sa mga tulad niya na pumasok sa shelter program upang mabigyan ng kaukulang tulong.
Matatandaang naging usap-usapan si Rose matapos siyang makuhanan ng video na lumalabas sa imburnal. Nilinaw niyang hindi siya doon naninirahan at pumasok lamang siya upang kunin ang isang nahulog na cutter blade.
Nabatid ding dati silang umuupa ng tirahan ni Jerome sa bahagi ng Pasong Tamo sa Makati.