Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril na ikinasawi ng isang safety officer sa Purok 3, Barangay Palian, bayan ng Tupi, South Cotabato, kahapon ng umaga, Abril 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Punong Barangay Jeffrey Agustin ng Barangay Palian, kinilala ang biktima na si Joesel Tabsing, 63 taong gulang, residente ng Barangay Sto. Niño, Koronadal City. Nagtatrabaho ito bilang safety officer sa isang construction company na pag-aari ng kanyang kapatid.
Batay sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang sasakyan patungo sana sa isang meeting nang bigla itong lapitan at pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo bandang alas-5:42 ng umaga.
Nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala sa likod na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Sa isinagawang imbestigasyon sa pinangyarihan ng krimen, nakarekober ang mga pulis ng apat na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang motibo sa krimen.
Nanawagan naman ang barangay opisyal sa sinumang may impormasyon o nakasaksi sa insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapabilis ang paglutas sa kaso.
Samantala, magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa lugar upang maiwasan ang kaparehong karahasan sa hinaharap.

















