Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang napaulat na insidente ng pamamaril o strafing sa likurang bahagi ng Barangay Hall ng Tamontaka 4, kahapon ng madaling araw April 14, 2026.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:10 ng madaling araw nang ipagbigay-alam ni Barangay Chairman Thong Gayakl sa Police Station 3 ang pagkarinig ng mga putok ng baril na nagmumula umano sa kalapit na swampy area.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 sa pangunguna ni PCPT Eduardo M. Malicdem, kasama ang augmentation forces mula sa CCPO CMFC at MBLT-6, upang beripikahin ang insidente.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na pinaputukan umano ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang barangay hall mula sa swampy area, na tumama sa likurang pader at bintana ng gusali.

Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.

Sa isinagawang inspeksyon, wala namang nakuhang basyo ng bala o slug sa pinangyarihan ng krimen. Patuloy ring inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek, habang sinusuri ang posibleng motibo kabilang ang mga isyung may kinalaman sa barangay.

Tiniyak ng Cotabato City Police Office na nagpapatuloy ang masusing at patas na imbestigasyon, habang pinaigting ang seguridad sa lugar upang maiwasan ang kaparehong insidente.