Isang lalaking dugong o sea cow ang natagpuang wala nang buhay at palutang-lutang malapit sa baybayin ng Sitio Dungeon, Barangay Pangyan sa Glan, Sarangani kahapon June 19, 2026.

Ayon sa ulat, ilang residente ang unang nakapansin sa naturang marine mammal at agad itong dinala sa dalampasigan para masuri ng mga kinauukulan.

Batay sa impormasyon ng lokal na tanggapan ng pangisdaan, ang dugong ay may tinatayang bigat na 400 kilo at may habang 106 pulgada o mahigit walong talampakan.

Kuwento rin ng ilang residente, dati na nilang nakikita ang dugong na may mga sugat sa katawan, at pinaniniwalaan umano na maaaring isa ito sa naging sanhi ng pagkamatay nito.

May mga hinala rin mula sa ilang residente na posibleng naapektuhan ito ng malakas na pagyanig, kasunod ng naitalang 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo.

Sa ngayon, inilibing na ang labi ng dugong habang patuloy na iniimbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang eksaktong sanhi ng pagkamatay nito.

Nagpahayag naman ng pangamba ang mga environmentalist dahil ang dugong ay kabilang sa mga protected marine mammals sa bansa at itinuturing na vulnerable species dahil sa banta ng polusyon, pagkasagasa ng sasakyang pandagat, at pagkasira ng natural nitong tirahan.