Binigyang-diin ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang kahalagahan ng edukasyon, kapayapaan, at inklusibong kaunlaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa kanyang pagdalo bilang keynote speaker sa pre-opening ng ika-7th Founding Anniversary ng Special Geographic Area o SGA-BARMM nitong Sabado, Pebrero 7.

Sa kanyang talumpati, kinilala ni Gatchalian ang desisyon ng Bangsamoro Government na ilaan ang 20 porsiyento ng kabuuang budget nito sa sektor ng edukasyon, subalit iginiit na nananatiling hamon ang mababang participation rate ng mga bata sa paaralan sa rehiyon. Ayon sa datos na binanggit ng senador, 46 porsiyento ng mga bata sa BARMM ang hindi pumapasok sa kindergarten habang 36 porsiyento naman ang hindi nakakapag-aral sa elementarya.

Binigyang-diin ng senador na ipagpapatuloy niya sa Senado ang adbokasiyang “walang maiiwang bata,” partikular sa edukasyon at nutrisyon, upang maramdaman ng mamamayan ang tunay na bunga ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Sa ambush interview matapos ang programa, sinabi ni Gatchalian na mahalagang ang kapayapaan ay hindi lamang nararamdaman sa katahimikan ng komunidad kundi sa konkretong serbisyo ng pamahalaan, lalo na sa edukasyon at imprastraktura ng mga paaralan. Aniya, patuloy ang suporta ng national government sa BARMM, kabilang ang pondo para sa classrooms, scholarships, at education assistance sa ilalim ng PAMANA program.

Tinalakay rin ng senador ang potensyal ng Liguasan Marsh, kung saan may mga interesadong pribadong sektor na magsagawa ng gas exploration. Binigyang-diin niya na sa ilalim ng kasalukuyang arrangement sa BARMM, ang kita mula sa anumang madidiskubreng gas at langis ay dapat mapunta sa rehiyon at makinabang ang mga mamamayan nito.

Kaugnay ng panukalang pagbuo ng isang hiwalay na lalawigan para sa walong munisipalidad ng SGA, iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng direktang konsultasyon sa mga lokal na lider at residente upang masiguro na ang desisyon ay tunay na sumasalamin sa kagustuhan ng mamamayan.

Binalikan din ng senador ang kanyang naging papel sa pagbalangkas ng Bangsamoro Organic Law (BOL) noong 2018 at binanggit ang pagbaba ng poverty incidence sa BARMM mula 53 porsiyento noong 2018 tungo sa 24 porsiyento noong 2019, na aniya’y patunay ng positibong epekto ng kapayapaan kapag sinabayan ng tamang polisiya at sapat na pondo.

Sa hiwalay na pahayag, naging bukas din si Gatchalian sa posibilidad ng pagbabalik sa pribadong sektor matapos ang kanyang termino sa Senado, kasabay ng pag-amin na may mga personal na planong nais pagtuunan ng pansin, bagama’t iginiit niyang nananatili ang kanyang malasakit sa serbisyo publiko.

Ang ika-7th Founding Anniversary ng SGA-BARMM ay isinagawa sa temang pagsusulong ng kapayapaan, edukasyon, at inklusibong pag-unlad para sa mga komunidad sa rehiyon.