Makararanas ng isang oras na emergency power interruption ang buong Cotabato City at ilang bahagi ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte ngayong Hulyo 23, 2026, mula 12:00 ng tanghali hanggang 1:00 ng hapon.
Ayon sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), kabilang sa maaapektuhan ang buong franchise area ng Cotabato Light and Power Company (CLPC) at ang Capiton Substation ng Maguindanao Electric Cooperative (MAGELCO).
Isasagawa ang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente upang bigyang-daan ang emergency shutdown ng Sultan Kudarat–Datu Saudi Ampatuan 69kV Line. Layunin nitong maisagawa ang agarang pagkukumpuni sa bahagi ng Talayan–Capiton 69kV Line.
Ipinaliwanag ng NGCP na kinakailangan ang pansamantalang power interruption upang mailipat ang load ng linya bago simulan ang repair works, bilang bahagi ng pagpapanatili ng ligtas at maaasahang serbisyo ng kuryente.
Nilinaw rin ng NGCP na ang eksaktong mga lugar na maaapektuhan ay nakabatay sa pagtukoy ng mga kinauukulang electric cooperative at distribution utility. Tiniyak naman ng ahensya na magsisikap itong maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga o ayon sa itinakdang oras.
Pinapayuhan ang mga residente at establisyimento sa mga apektadong lugar na magsagawa ng kinakailangang paghahanda habang isinasagawa ang naturang emergency repair.

















