Isiniwalat ng ilang pasahero ang kanilang nakakatakot na karanasan matapos mag-emergency landing sa Iloilo International Airport ang Philippine Airlines Flight PR 2544 dahil sa umano’y problema sa oxygen supply at air-conditioning system ng eroplano.

Ang naturang biyahe ay mula Dumaguete, Negros Oriental patungong Manila nang maganap ang insidente habang nasa ere na ang eroplano.

Isa sa mga pasahero na si Coach Rhuel Beaujing Acot, kasama ang ilang opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas o SBP, ang nagbahagi ng kanilang dinanas na matinding init at hirap sa loob ng aircraft.

Ayon sa kanya, bago pa man makalipad ang eroplano ay hindi na umano gumagana ang air-conditioning system, ngunit hindi ito agad nai-report ng mga pasahero dahil inakala nilang bahagi lamang ito ng normal na proseso.

Gayunman, habang nasa kalagitnaan ng biyahe, lalo pang lumala ang sitwasyon kung saan nagreklamo na ang mga pasahero ng matinding init, may mga bata umanong umiiyak, at ilang pasahero ang nagpalit ng damit dahil sa sobrang init sa loob ng cabin.

Kalaunan, napilitan ang piloto na i-deploy ang oxygen masks at kumpirmahin ang pagkakaroon ng problema sa air-conditioning system bago pa man umalis ng runway area, at nagpasya itong mag-emergency landing sa Iloilo.

Ayon sa ulat, humingi ng paumanhin ang piloto at sinabing kung lalala pa ang sitwasyon ay maaari silang mag-divert patungong Iloilo o Mactan, Cebu.

Ibinahagi rin ng pasahero na si Coach Acot na labis ang kanilang pangamba lalo na’t ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niyang bumagsak ang oxygen masks sa loob ng eroplano, bagay na nagdulot ng matinding takot sa mga pasahero kabilang ang mga matatanda at turista.

May ilan ding pasahero na umano’y nahirapang huminga at may mga naiulat pang nawalan ng malay matapos ang insidente.

Pagdating sa Iloilo Airport, iniulat ng mga awtoridad na may ilang pasahero ang kinailangan ng agarang medical assistance, habang limitado lamang ang access sa paglabas ng eroplano dahil iisang pinto lamang ang pinayagang gamitin.

Ayon pa sa pasahero, nauna munang pinababa ang mga international tourists dahil sa kanilang connecting flights, habang ang iba ay kinailangang maghintay pa ng susunod na iskedyul.

Patuloy namang inaantabayanan ang opisyal na pahayag ng Philippine Airlines hinggil sa insidente.