Posibleng italaga bilang state witness si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng iniimbestigahang umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, mayroon nang kasunduan para sa pakikipagtulungan ni Bonoan sa imbestigasyon bilang state witness.
Sinabi ng Ombudsman na mahalaga ang impormasyong maaaring ibahagi ng dating kalihim tungkol sa mga naging operasyon ng DPWH, dahil makatutulong ito sa pagpapatibay ng mga kasong isasampa laban sa mga mapatutunayang responsable.
Inihayag din ni Remulla na hihiling sila sa Sandiganbayan na alisin si Bonoan sa listahan ng mga respondent upang pormal siyang maging state witness sa naturang kaso.
Nauna nang sinampahan si Bonoan ng kasong plunder kasama sina Senator Jinggoy Estrada, dating DPWH National Capital Region Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, District Engineer Manny Bumagat Bulusan, at District Engineer Arturo Lombres Gonzales Jr.
Inaresto si Bonoan noong Hunyo 1 kaugnay ng kasong plunder na hindi maaaring piyansahan.
Gayunman, pinayagan ng Sandiganbayan ang bahagi ng kanyang mosyon para sa house arrest dahil sa kanyang katandaan at sa iniulat na malubhang kondisyon ng kanyang kalusugan.

















