Mariing pinabulaanan ni Cotabato City Mayor Bruce “BM” Matabalao ang kumakalat na social media post na nag-uugnay sa kanya sa umano’y pahayag tungkol sa kanyang paglipat ng partidong pampulitika.
Sa inilabas na pahayag sa kanyang opisyal na Facebook account, iginiit ng alkalde na walang katotohanan ang naturang post at hinikayat ang publiko na huwag basta maniwala sa aniya’y maruming propaganda na naglalayong magpalaganap ng maling impormasyon.
Binigyang-diin ni Mayor Matabalao na kung mayroon mang mahahalagang anunsyo o pagbabago kaugnay sa kanyang paninindigan o mga desisyon, siya mismo ang magbibigay nito sa publiko sa pamamagitan ng kanyang mga opisyal na social media accounts.
Kasabay nito, nanawagan din ang alkalde sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa at ibinabahagi sa social media upang hindi mabiktima ng maling impormasyon.
Samantala, hiniling din ni Mayor Matabalao ang panalangin para sa mga nasa likod ng aniya’y pagpapakalat ng fake news, sa pag-asang manaig ang katotohanan at maging responsable ang lahat sa paggamit ng social media.

















