Tinatayang P855,680 halaga ng umano’y puslit na sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang anti-smuggling operation sa coastal area ng Barangay Macao, Balabagan, Lanao del Sur.

Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro, bandang alas-11 ng gabi nitong Agosto 6 nang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Balabagan Municipal Police Station at 1401st Regional Mobile Force Battalion matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y mga lalaking nagbababa ng puslit na sigarilyo sa Sitio Binitinan.

Narekober ng mga operatiba ang 20 master cases na naglalaman ng kabuuang 1,000 reams ng umano’y puslit na sigarilyo na iniwan sa isang makeshift house malapit sa dalampasigan.

Gayunman, nakatakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek matapos umano nilang mapansin ang paglapit ng mga operatiba at sinamantala ang dilim upang makatakas.

Dinala ang mga nakumpiskang kontrabando sa Balabagan MPS para sa inventory at dokumentasyon bago isasailalim sa turnover sa Bureau of Customs.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng naturang operasyon.