Posibleng umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Cotabato City sa dalawang araw na forecast ng PAGASA, batay sa monitoring ng Mindanao PAGASA Regional Services Division.
Ayon sa datos na inilabas kahapon Agosto 11, nasa 39 degrees Celsius ang naitalang heat index sa Cotabato City.
Inaasahang tataas ito sa 41 degrees Celsius ngayong Agosto 12, bago posibleng umabot sa 42 degrees Celsius sa Agosto 13.
Nasa Danger classification ang heat index na 42 hanggang 51 degrees Celsius, kung saan mataas ang posibilidad ng heat cramps at heat exhaustion.
Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring mauwi sa heat stroke ang patuloy na pagkakalantad sa matinding init, lalo na kung magpapatuloy ang pisikal na aktibidad.
Samantala, nakapagtala rin ng mataas na heat index ang ilang lugar sa Mindanao, kabilang ang Dipolog City na umabot sa 44 degrees Celsius, habang nasa 42 degrees naman ang Zamboanga City at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental.
Sa Davao Region, umabot naman sa 43 degrees Celsius ang heat index sa Davao City, habang 40 degrees ang naitala sa General Santos City at posibleng umabot sa 41 degrees sa susunod na dalawang araw.
Pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa matinding init, uminom ng sapat na tubig, umiwas sa matagal na pagkakalantad sa araw, at bawasan ang mabibigat na aktibidad sa oras na pinakamainit ang panahon.
Batay sa PAGASA, ang heat index ay sukatan ng nararamdamang init ng katawan na isinasaalang-alang ang temperatura at halumigmig sa isang lugar.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na bantayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA kaugnay sa heat index at iba pang kondisyon ng panahon.

















