Arestado ang isang empleyado ng carwash matapos umano nitong itakas ang sasakyan ng isang kustomer at maaksidente habang minamaneho ito sa Barangay Bago Gallera, Talomo District, Davao City kahapon Hulyo 30.

Batay sa imbestigasyon ng Talomo Police Station, iniwan ng may-ari ang kanyang sasakyan sa carwash upang ipalinis. Gayunman, walang pahintulot umano itong kinuha ng empleyado at minaneho.

Habang nasa kalsada, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang suspek at bumangga sa isa pang nakaparadang sasakyan, na nagdulot ng malaking pinsala sa dalawang sasakyan.

Wala namang naitalang nasugatan sa insidente, habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng banggaan.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang mga kasong kriminal at sibil kaugnay ng umano’y pagkuha ng sasakyan nang walang pahintulot at sa mga pinsalang idinulot ng insidente.