Isang taimtim na seremonya ang isinagawa ng Philippine Air Force (PAF) sa pagtanggap sa mga labi nina First Lieutenant Ruth Angelique R. Pasos PAF at Second Lieutenant Cherky E. Embudo PAF sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City nitong May 21, 2026.

Dumating ang mga labi ng dalawang piloto sakay ng isang C-295 aircraft at sinalubong ng arrival honors bilang pagkilala sa kanilang katapangan at sakripisyo sa serbisyo. Balot sa watawat ng Pilipinas, agad na inilipat ang kanilang mga labi sa CJVAB Mortuary kung saan sila ilalagak para sa necrological honors.

Personal na dumalo sa seremonya si Lieutenant General Arthur M. Cordura PAF, Commanding General ng Philippine Air Force, kasama ang iba pang opisyal, enlisted personnel, at mga naulilang pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawing piloto.

Kasunod ng arrival honors ay nagsagawa rin ng blessing at panalangin para sa kapayapaan ng kanilang kaluluwa at pagdamay sa kanilang mga pamilya.

Ginawaran ng Silver Wing Medal ang dalawang nasawing piloto bilang pagkilala sa kanilang katapatan at sakripisyo sa serbisyo bilang military aviators ng Philippine Air Force.

Ayon sa PAF, mananatiling inspirasyon sa hanay ng Sandatahang Lakas at sa buong bansa ang ipinakitang tapang at katapatan sa tungkulin ng dalawang piloto.