Isang 50-anyos na negosyante na kabilang sa mga High-Value Individual (HVI) sa iligal na droga ang naaresto sa isinagawang search operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Poblacion, Pikit, Cotabato noong Hulyo 20.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pagsalakay, nakumpiska ng mga operatiba ang 14 na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 15 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P102,000.
Bukod dito, narekober din sa loob ng bahay ng suspek ang apat na baril na binubuo ng tatlong pistola at isang CZ858 rifle.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Police Colonel Ramel B. Hojilla, bunga ng matibay na koordinasyon ng PNP at PDEA ang matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga.
Nakakulong na ang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya, kabilang ang pagsisiyasat kung may kaugnayan siya sa mas malawak na operasyon ng isang drug network.

















