Hinikayat ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor at mga institusyong pangkaunlaran upang mapalawak ang oportunidad sa pamumuhunan at mapanatili ang paglago ng ekonomiya sa Bangsamoro.

Ito ang binigyang-diin ni Chief Minister Macacua sa Mindanao Development Forum 2026 na ginanap sa Davao City nitong Martes, Oktubre 27, kung saan tinalakay ng mga opisyal ng pamahalaan, lider ng negosyo at development partners ang mga estratehiya para sa inklusibo at napapanatiling pag-unlad ng Mindanao.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Chief Minister na nakapagtala ang Bangsamoro ng halos limang bilyong pisong pamumuhunan sa nakalipas na taon, na nakasentro sa agrikultura, pangisdaan, pabahay, logistics at iba pang sektor.

Ayon sa punong ministro, mahalagang maisalin ang mga natamong tagumpay sa proseso ng kapayapaan at awtonomiya tungo sa mas maraming oportunidad pangkabuhayan para sa mga residente ng rehiyon.

Inilahad din niya ang tatlong pangunahing prayoridad ng pamahalaang Bangsamoro sa pagsusulong ng ekonomiya: pagpapalakas sa mga pundasyon ng pamumuhunan, pagpapaunlad sa produktibong kakayahan ng rehiyon, at pamumuhunan sa kakayahan ng mamamayan.

Binanggit din ni Macacua ang 114-bilyong pisong General Appropriations Act para sa 2026 bilang pagkakataong suportahan ang mga hakbang para sa pag-unlad ng rehiyon.

Muling tiniyak ng punong ministro ang suporta ng pamahalaang Bangsamoro sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at sa mga institusyong itinatag sa ilalim ng proseso ng kapayapaan.

Hinimok din niya ang mga pribadong mamumuhunan at development partners na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagtukoy ng mga posibleng proyekto, pagpapalakas ng mga lokal na industriya, pag-aalis sa mga hadlang sa negosyo, at pagpapaunlad ng kasanayan ng mga manggagawa.

Dumalo rin sa forum si Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.