Maaaring patawan ng kaukulang parusa ang mga driver ng payong-payong sa Cotabato City na mahuhuling lumalabag sa mga itinakdang lugar ng kanilang pamamasada at naniningil ng labis na pasahe.
Ayon sa Cotabato City Transportation and Traffic Management Center o CTTMC, ilan sa mga reklamong kanilang natatanggap ay may kaugnayan sa pamamasada sa mga lugar na hindi sakop ng mga driver at paniningil ng sobrang pamasahe sa mga pasahero.
Dahil dito, nanawagan si CTTMC Chief Moin Nul sa mga driver na sumunod sa mga umiiral na regulasyon sa transportasyon, partikular sa itinakdang sakop ng kanilang ruta at tamang singil sa pasahe.
Hinimok din ng tanggapan ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang anumang nakikitang paglabag upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon.

















