Nagsagawa ng indignation rally ang ilang grupo sa pangunguna ng United People’s Initiative (UPI) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Linggo, Hulyo 19, bilang pagpapahayag ng kanilang mga hinaing laban sa umano’y katiwalian at iba pang isyung iniuugnay nila sa kasalukuyang administrasyon.
Nagmartsa ang mga kalahok habang may bitbit na mga plakard at streamer na naglalaman ng kanilang mga panawagan at pagtuligsa.
Kasabay ng isinagawang pagtitipon, nakaranas ng pagsisikip ang mga pangunahing lansangan sa paligid ng Liwasang Bonifacio dahil sa dagsa ng mga commuter na naghihintay ng masasakyang pampublikong transportasyon noong hapon ng Linggo.
Bahagyang isinara ng mga awtoridad ang Quezon Bridge na patungo sa lugar ng rally, dahilan upang magpatupad ng traffic rerouting para sa mga motorista.
Bilang bahagi ng security measures, naglagay rin ng razor wire barricades ang mga awtoridad sa ilang bahagi ng Recto Avenue at Mendiola Street upang mapanatili ang kaayusan at seguridad habang isinasagawa ang programa.
Dahil sa ipinatupad na road closures at rerouting, nakaranas ng katamtaman hanggang mabigat na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan sa Maynila, kabilang ang Nagtahan Bridge.
Dakong alas-9:00 ng gabi nang pormal na matapos ang indignation rally. Nanatili naman ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa lugar upang pangasiwaan ang daloy ng trapiko at tiyakin ang maayos na pag-uwi ng mga dumalo at ng iba pang motorista.

















