Mariing iginiit ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) na hindi ang pagpapababa sa minimum age of criminal responsibility ang magiging sagot upang mabawasan ang mga kaso ng karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan.

Ayon kay JJWC Executive Director Atty. Tricia Oco, mas mahalagang tutukan ng pamahalaan ang mga ugat ng problema o mga pangunahing dahilan kung bakit nasasangkot ang ilang menor de edad sa krimen at iba pang mararahas na gawain.

Nilinaw ni Oco na hindi nangangahulugan ang kanilang posisyon na isinasantabi ang pananagutan ng mga kabataang lumalabag sa batas. Sa halip, aniya, kinakailangang suriin ang mga kalagayan at mga salik na nagtutulak sa mga ito upang makagawa ng krimen upang matugunan ang problema sa mas epektibong paraan.

Sinabi pa ng opisyal na sa pamamagitan ng masusing pagtukoy sa mga sanhi ng karahasan, maaaring mapigilan ang paglala ng mga insidente sa tulong ng mga law enforcement agency, local social welfare offices, at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno.

Binigyang-diin din ni Oco ang mga positibong resulta ng mga programang rehabilitasyon para sa mga batang nasangkot sa paglabag sa batas. Aniya, sa isang batch ng humigit-kumulang 400 kabataang isinailalim sa pangangalaga ng mga Bahay Pag-asa, umabot sa 96 porsyento ang matagumpay na nakapagbagong-buhay matapos sumailalim sa rehabilitasyon.

Samantala, ang natitirang apat na porsyento ay kinailangang sumailalim pa sa mas mahabang rehabilitasyon at mas mahigpit na monitoring upang matiyak ang kanilang tuluyang pagbangon.

Dahil dito, naniniwala ang JJWC na dapat pang palakasin ang kasalukuyang juvenile intervention programs sa halip na ibaba ang edad ng criminal liability. Hinikayat din ni Oco ang mga magulang at pamilya na gampanan ang mahalagang papel sa paggabay sa mga kabataan at pagtuturo ng wastong asal, moralidad, at pagpapahalaga sa kabutihan.