Hinimok ni Bangsamoro Youth Commission Chairperson Nasserudin D. Dunding ang mga kabataan na gampanan ang kanilang papel bilang lider, decision-makers, peacebuilders at katuwang sa pag-unlad ng bansa.

Inilahad ni Dunding ang panawagan sa pagbubukas ng BAGANI: Rising Leaders Development Program o RLDP-AGOS Cohort kamakailan sa Development Academy of the Philippines Conference Center sa Tagaytay City.

Ayon kay Dunding, hindi lamang dapat maging benepisyaryo ng development ang kabataan kundi aktibong katuwang sa paggawa ng desisyon at paghubog sa kinabukasan ng bansa.

Tampok sa ikalawang batch ng programa ang 52 kabataang Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang pitong Bangsamoro youth fellows, na sasailalim sa isang buwang leadership formation.

Binigyang-diin ni Dunding ang kahalagahan ng pagbibigay ng puwang sa mga kabataang may iba’t ibang pinagmulan at karanasan, kabilang ang mga mula sa Bangsamoro, sa mga national leadership platform.

Hinamon din niya ang mga fellows na gamitin ang kanilang impluwensya nang may layunin at pairalin ang prinsipyo at integridad sa serbisyo publiko.

Layunin ng BAGANI-AGOS na hubugin ang mga kabataang lider na mahusay, makatarungan, makabago at may malasakit sa serbisyo publiko.