Sugatan matapos pagbabarilin ang barangay chairman ng Mother Barangay Tamontaka habang nagsasagawa ng hot pursuit operation sa umano’y carnapping incident nitong Huwebes ng hapon, Setyembre 24.
Batay sa Spot Report ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office, bandang alas-4:20 hanggang alas-4:30 ng hapon nang iulat ang umano’y carnapping sa Timako, Barangay Kalanganan 2.
Ayon sa pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang himpilan mula kay Kagawad Miro ng Barangay Kalanganan 2 tungkol sa umano’y insidente.
Agad umanong nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng PS3 kasama si Barangay Chairman Datu Wawi Sema at kanyang BPATS personnel.
Ayon sa ulat, tinutugis umano ng grupo ang mga suspek na sakay ng isang puting minivan at puting Honda Click V3.
Pagdating sa bahagi ng Barangay Tamontaka 1, umano’y pinaputukan ng mga suspek ang humahabol na grupo, dahilan upang tamaan ng bala sa leeg si Chairman Datu Wawi Sema.
Agad siyang isinugod sa Notre Dame Hospital para sa kaukulang atensiyong medikal.
Sa ngayon ay nasa mabuti ng kalagayan ang biktima sa naging kumpirmasyon ng mga kaanak nito.
Patuloy rin ang hot pursuit operation laban sa mga umano’y suspek na sangkot sa insidente.
Hindi pa rin tukoy ang motibo sa pamamaril at hindi pa nakikilala ang iba pang mga taong sangkot sa insidente.
















