Kinondena ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang umano’y patuloy na pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa Juvenile Justice and Welfare Act, na aniya’y nagdudulot lamang ng kalituhan sa publiko at hindi nakatutulong upang mapalakas ang seguridad ng mga pamilyang Pilipino.

Si Pangilinan, na pangunahing may-akda ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, ay nilinaw na walang katotohanan ang mga pahayag na awtomatikong pinalalaya ng batas ang mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.

Ayon sa senador, ang maling interpretasyon sa naturang batas ay naglilihis sa atensyon ng publiko mula sa mas mahahalagang usapin, kabilang ang paglaganap ng ilegal na baril, mahinang pagpapatupad ng batas, at kakulangan ng sapat na suporta para sa mga paaralan at komunidad.

Binigyang-diin din ni Pangilinan na ang Juvenile Justice Law ay hindi idinisenyo upang palampasin ang mga paglabag sa batas ng mga kabataan. Sa halip, layunin nitong tiyakin na sila ay mananagot sa tamang proseso habang pinangangalagaan ang kanilang mga karapatan at binibigyan ng pagkakataong makapagbagong-buhay.

Dagdag pa ng senador, ang pagkalat ng maling impormasyon ay nagdudulot ng hindi kinakailangang pangamba sa mga magulang at lalo lamang umano nitong binibigyan ng negatibong pagtingin ang mga kabataang mula sa mahihirap at bulnerableng sektor.