Lalong bumilis ang galaw ng Tropical Depression Kiyapo habang patuloy itong kumikilos pa–hilagang kanluran sa dagat silangan ng Cagayan.

Ayon sa state weather bureau, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 640 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 km/h malapit sa sentro at bugso hanggang 55 km/h, habang kumikilos sa bilis na 30 km/h.

Nakakaapekto ang malalakas na hangin hanggang 400 kilometro mula sa sentro ng bagyo.

Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan), hilagang bahagi ng Nueva Vizcaya (Bagabag, Diadi, Bayombong, Ambaguio, Villaverde, Quezon, Solano), hilagang bahagi ng Quirino (Maddela, Cabarroguis, Saguday, Diffun, Aglipay), at hilagang bahagi ng Benguet (Buguias, Mankayan, Bakun, Kibungan).

Inaasahan ang minimal na epekto ng bagyo sa mga ari-arian, ngunit pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at maging handa sa posibleng paglala ng lagay ng panahon.