Nagbabala ang grupong AMANA-BARMM na maaaring maapektuhan ang kredibilidad ng nakatakdang unang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre kung hindi mareresolba ng Korte Suprema ang mga nakabinbing petisyong kumukuwestiyon sa pagiging konstitusyonal ng ilang probisyon kaugnay ng halalan.

Ayon sa grupo, naghain ito ng Very Urgent Motion to Resolve sa Korte Suprema upang humiling ng agarang pagresolba sa mga petisyon bago ang halalan.

Humiling din ang AMANA-BARMM sa Korte Suprema ng Temporary Restraining Order o Status Quo Ante Order laban sa implementasyon ng mga probisyong kinukuwestiyon sa batas na may kaugnayan sa halalan.

Sinabi ng isa sa mga petitioner na si Maulana Mamutuk na maaaring makaapekto ang pagkaantala ng desisyon ng Korte Suprema sa pagiging lehitimo ng mga opisyal na mahahalal at magdulot ng kawalang-katiyakan sa rehiyon.

Iginiit din ni Mamutuk na taliwas umano sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address o SONA 2026 ang kasalukuyang takbo ng paghahanda para sa halalan sa Bangsamoro.

Binigyang-diin ng AMANA-BARMM na mahalagang magkaroon ng malinaw na legal na batayan bago isagawa ang halalan.