Kapansin-pansing nabawasan ang bilang ng mga dumalo sa ikaapat na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado nitong Lunes, Hulyo 13, kumpara sa mga naunang pagdinig noong nakaraang linggo.
Sa pagsisimula ng paglilitis dakong alas-2:00 ng hapon, kakaunti lamang ang nakaupo sa bahaging inilaan para sa mga public observer, gayundin sa mga panauhin ng kampo ng depensa at ng prosekusyon.
Sa roll call ng mga senator-judge, 18 lamang ang unang naitalang present.
Lumiban sa pagdinig si Senator-Judge Francis Pangilinan. Hindi rin nakadalo sina Senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada na nananatili umanong nasa kustodiya ng pulisya kaugnay ng magkahiwalay nilang kinakaharap na mga kaso, gayundin si Senator Ronald dela Rosa na hindi pa rin nagpapakita sa publiko matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo.
Hindi rin agad naitala sa attendance si Senator-Judge Alan Peter Cayetano matapos dumating dakong alas-2:10 ng hapon. Bandang alas-6:00 naman ng gabi nang dumating si Senator Loren Legarda, dahilan upang umabot sa 20 ang kabuuang bilang ng mga senator-judge na nakadalo sa pagdinig.
Gayunman, habang tumatagal ang mahigit anim na oras na proceedings, unti-unti ring nabawasan ang bilang ng mga bisita at ilang senator-judge na umalis bago tuluyang natapos ang pagdinig dakong alas-8:12 ng gabi.
Pagkatapos ng proceedings, namataan si dating Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na nakikipag-usap kina Senators Alan Peter Cayetano, Bong Go at Robin Padilla sa loob ng Senado.

















