Nasawi sa pamamaril ang isang motorista sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur hapon nitong Martes, binaril at napatay ang biktimang kinilalang si Mastura Indal alyas “Thor Inal”, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Dungguan, Datu Montawal.

Ayon sa inisyal na ulat, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng national highway sa Barangay Layog habang sakay ng isang pulang XR 150 na motorsiklo nang biglang lapitan ng riding-in-tandem suspects.

Pinagbabaril ang biktima nang maraming beses gamit ang .45 caliber pistol, base sa mga basyong bala na narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan, agad na binawian ng buhay ang biktima sa mismong lugar ng insidente.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin sa hindi pa matukoy na direksyon.

Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Pagalungan Municipal Police upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek sa likod ng krimen.