Natagpuan na ng mga search and rescue teams ang bangkay ng isang lalaking natabunan ng landslide sa Barangay Congan, Glan, Sarangani, matapos ang ilang araw na walang tigil na paghahanap kasunod ng malakas na lindol na yumanig sa rehiyon noong June 8.
Kinilala ang biktima na si Wilbert Novio, 27-anyos at residente ng naturang barangay. Narekober ang kanyang katawan kahapon, June 18 sa lugar kung saan siya huling namataan bago matabunan ng gumuhong lupa.
Ayon sa mga awtoridad, isang araw bago matagpuan ang bangkay ni Novio ay narekober muna sa parehong lugar ang alaga nitong kambing, na naging batayan ng mga rescuer upang ipagpatuloy ang operasyon sa nasabing bahagi ng landslide area.
Batay sa mga ulat, inaalagaan ni Novio ang kanyang kambing sa may dalisdis nang tumama ang magnitude 7.8 na lindol. Bago tuluyang matabunan, nagawa pa umano nitong magbabala sa mga kalapit na residente upang makaligtas sa panganib.
Tinatayang nasa 15 hanggang 20 talampakan ang lalim ng pinagbaunan sa biktima. Gumamit ng mabibigat na kagamitan ang mga responder upang alisin ang mga naipong lupa, habang mano-manong paghuhukay naman ang isinagawa sa mga huling bahagi ng retrieval operation sa tulong ng pamilya ng biktima.
Pinuri ng mga opisyal ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa matagumpay na operasyon. Kabilang sa mga lumahok ang Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Special Rescue Forces mula sa iba’t ibang rehiyon, mga local disaster responders, at iba pang katuwang na ahensya.
Samantala, matapos marekober, dinala ang bangkay ni Novio sa bayan ng Glan kung saan isinailalim ito sa postmortem examination ng Municipal Health Office.
Patuloy naman ang pagpapatupad ng Incident Command System sa Sarangani upang mas mapalakas ang koordinasyon sa pagtugon sa mga naapektuhan ng lindol, kabilang ang maayos na paghawak at pagdodokumento sa mga nasawi at nawawala sa sakuna.

















