Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Maguing, Lanao del Sur, ang kumakalat na video sa social media na umano’y nagpapakita ng pangmamaltrato sa isang sanggol ng mga kabataang babae na iniulat na mga menor de edad.

Sa opisyal na pahayag nitong Oktubre 24, 2026, sinabi ni Maguing Mayor Fahad Delna Molok na inatasan na ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Women and Children Protection Desk (WCPD) ng pulisya, at mga opisyal ng barangay na beripikahin ang insidente, tukuyin ang mga sangkot at tiyakin ang kaligtasan ng sanggol.

Ayon sa LGU, sasailalim ang bata sa wastong pangangalaga, pagsusuri at psychosocial intervention, habang isasagawa ang kaukulang legal na hakbang alinsunod sa Republic Act 7610 o batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso.

Hinimok din ng lokal na pamahalaan ang publiko na itigil ang pagbabahagi ng video upang maiwasang madagdagan ang trauma ng bata at direktang iulat sa MSWDO o PNP Maguing ang anumang beripikadong impormasyon tungkol sa insidente.