Pabor si Gerville Luistro sa pagbubukas sa media at publiko ng mga pre-trial conference kaugnay ng impeachment case laban kay Sara Duterte.

Ito ay matapos hindi payagang masaksihan ng media ang unang pre-trial conference, kung saan limitado lamang ang mga bahagi ng pagdinig na maaaring i-cover, kabilang ang roll call ng mga abogado ng magkabilang panig.

Gayunman, sinabi ni Luistro na mahalaga ring maunawaan ng publiko ang naging desisyon ng impeachment court na isagawa nang hindi bukas sa publiko ang proseso. Aniya, masalimuot, paulit-ulit at matrabaho ang pre-trial conference, lalo na sa pagsusuri at pagmamarka ng mga ebidensya, na maaaring isa sa mga dahilan kung bakit nilimitahan ang access sa pagdinig.

Binigyang-diin din niya na ang lahat ng napagkasunduan at tinalakay sa mga conference ay ilalabas naman sa pamamagitan ng isang pre-trial order matapos makumpleto ang serye ng mga pagpupulong.

Nakatakda namang muling magharap sa Senado sa susunod na linggo ang prosecution at defense panels para sa susunod na conference kaugnay ng kaso.