Arestado ang mag-asawang hinihinalang sangkot sa ilegal na recruitment matapos maaktuhang tumatanggap ng P10,000 processing fee mula sa isang aplikante para sa ipinangakong trabaho sa ibang bansa sa harap ng KCC Mall sa Cotabato City.

Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Maguindanao Provincial Field Unit, katuwang ang CIDG Cotabato City Field Unit at Cotabato City Police Station 1, dakong alas-2:05 ng hapon noong Nobyembre 4, 2026.

Batay sa ulat ng CIDG, nagpanggap umano ang mga suspek na awtorisadong recruitment agents kahit wala silang lisensiya o pahintulot mula sa Department of Migrant Workers (DMW) o Ministry of Labor and Employment (MOLE).

Sinasabing nangangalap din sila ng mga aplikante sa pamamagitan ng personal na transaksiyon at online platforms, na umaabot umano ang operasyon sa BARMM at mga karatig-rehiyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, na inamyendahan ng Republic Act 10022.

Pinaalalahanan naman ng CIDG ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking lehitimo ang recruitment agency at beripikahin muna sa DMW ang job offer bago magsumite ng mga dokumento o magbayad ng anumang recruitment fee.