Niyanig ng magnitude 4.9 na lindol ang karagatan sa timog-kanluran ng Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental, alas-6:48 ngayong umaga ng Lunes, Agosto 3.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang sentro ng lindol sa layong 43 kilometro timog, pitong digri kanluran ng Balut Island, na may lalim na 10 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity I sa mga bayan ng Kiamba, Malapatan, at Maasim sa Sarangani Province, General Santos City, Tupi sa South Cotabato, at Palimbang, Sultan Kudarat.
Ayon sa PHIVOLCS, ang pagyanig ay isang aftershock ng magnitude 7.8 na lindol sa karagatan ng Sarangani at magnitude 6.5 na lindol sa karagatan ng Davao Occidental na parehong naitala noong Hunyo 2026.

















