Iniulat ng Department of Health (DOH) na umabot sa mahigit 4,600 ang bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) na naitala sa bansa mula Enero hanggang Marso 2026.

Batay sa pinakahuling HIV and AIDS Surveillance of the Philippines, kabuuang 4,633 bagong HIV cases ang naitala ngayong unang quarter ng taon, na mas mataas ng siyam na porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.

Sa naturang bilang, sinabi ng DOH na 1,104 o 24 porsiyento ng mga bagong kaso ay nasa advanced HIV stage na nang matukoy ang kanilang kondisyon.

Nakapagtala rin ng average na 51 kaso kada araw ngayong quarter, mas mababa ng 11 porsiyento kumpara sa 57 daily cases noong parehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, nasa 1,544 naman ang average monthly cases, na mas mababa rin ng siyam na porsiyento kumpara sa 1,693 monthly cases na naitala noong 2025.

Pinakamataas pa rin ang bilang ng mga bagong kaso sa National Capital Region (NCR) na may 989 infections, kasunod ang Calabarzon na may 808 kaso, Central Luzon na may 551, Soccsksargen na may 277, at Davao Region na may 263 kaso.

Ayon sa DOH, ang limang rehiyong ito ay bumubuo sa 62 porsiyento o 2,888 ng kabuuang bagong HIV cases sa bansa sa unang quarter ng taon.

Karamihan sa mga bagong kaso ay mula sa hanay ng kalalakihan, kung saan 4,381 ang lalaki at 252 naman ang babae. Ang edad ng mga naitalang kaso ay mula dalawang taong gulang hanggang 77 taong gulang.

Batay naman sa National HIV Care Cascade noong Marso 2026, tinatayang nasa 288,000 katao ang nabubuhay na may HIV sa Pilipinas, ngunit 55 porsiyento pa lamang o 157,350 ang kumpirmadong diagnosed o laboratory-confirmed cases.