Mahigit pitong milyong pisong halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes ang nasabat ng mga awtoridad sa isang intelligence-driven checkpoint operation sa Lanao del Norte matapos tangkain ng isang drayber na sagasaan ang inilatag na police barrier.

Ayon sa Lanao del Norte Police Provincial Office o LDN PPO, nangyari ang insidente bandang alas-12:50 ng madaling araw noong Linggo, Hunyo 28, sa Purok 5, Barangay Libertad.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Ab,” 37-anyos at drayber ng isang puting Mitsubishi Fighter wing van. Una itong pinara ng mga pulis dahil sa hindi pagsusuot ng seat belt.

Gayunman, sa halip na huminto, pilit umanong dumaan ang suspek at tinangkang araruhin ang checkpoint. Agad naman itong hinarang at na-block ng mga operatiba mula sa Provincial Intelligence Unit, Kolambugan Municipal Police Station, at Regional Intelligence Unit 10.

Sa isinagawang inspeksyon sa cargo compartment ng sasakyan, nadiskubre ang 190 master cases o katumbas ng 9,500 reams ng Platinum brand cigarettes na walang kaukulang dokumento mula sa Bureau of Customs.

Tinatayang nasa P7.609 milyon ang halaga ng nakumpiskang kontrabando.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Kolambugan Municipal Police Station habang nakatakdang i-turnover sa Bureau of Customs-Iligan District ang mga nakumpiskang sigarilyo at ang ginamit na wing van para sa kaukulang forfeiture proceedings at pagsasampa ng kasong economic sabotage.