Naniniwala ang Malacañang na bahagi ng estratehiya ng House prosecution ang paglalagay kay “Mary Grace Piattos” sa listahan ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang naging pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos kumpirmahin ni House prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua na kabilang si “Mary Grace Piattos” sa 25 testigong nakatakdang iharap ng prosekusyon, kaugnay ng isyu ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Ayon kay Castro, nasa kapasyahan ng House prosecution kung sinu-sino ang kanilang tatawaging mga testigo, at iginiit niyang bahagi ito ng kanilang legal na diskarte sa paglilitis.

Gayunman, sinabi rin ng Palace official na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, wala umanong rekord ng pangalang “Mary Grace Piattos,” kaya posibleng maging hamon ang pagtukoy sa naturang indibidwal.

Samantala, hinamon naman ni Representative Chua ang kampo ni Vice President Duterte na iharap si “Mary Grace Piattos” sa impeachment trial upang tuluyang malinawan ang usapin sa umano’y paggamit ng confidential funds.

Ayon kay Chua, nananatiling kabilang sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon si “Mary Grace Piattos” dahil mahalaga umano ang kanyang magiging testimonya sa kaso.

Sinabi pa ni Chua na kung may haharap na isang “Mary Grace Piattos,” maaari itong sumailalim sa cross-examination. Subalit kung walang lalantad, lalo lamang umanong mapagtitibay ang hinalang hindi tunay ang naturang pagkakakilanlan.

Binigyang-diin ni Chua na ang pangalang “Mary Grace Piattos” ay lumitaw sa mga acknowledgment receipt na isinumite bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Dagdag pa niya, kung ang “Mary Grace Piattos” ay isang code name lamang, nararapat umanong ilantad ng depensa ang tunay na pagkakakilanlan ng taong nasa likod nito upang tuluyang maresolba ang isyu.