Lalong lumakas ang Severe Tropical Storm “Francisco” habang kumikilos sa bahagi ng Philippine Sea, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA nitong Linggo, June 21 ng madaling araw.

Namataan ang sentro ng bagyo bandang alas-4 ng umaga sa layong 1,315 kilometro silangan ng Southeastern Luzon taglay ang lakas ng hanging aabot sa 100 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 125 km/h. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Samantala, patuloy namang nakaaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa ilang bahagi ng bansa kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Dahil dito, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa rehiyon. Nagbabala rin ang mga awtoridad sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatiling alerto at sumubaybay sa mga susunod na abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.