Nagsasagawa na ng peace covenant at refresher training ang 1st Marine Brigade bilang paghahanda sa kauna-unahang regional election sa BARMM.

Ayon kay 1st Marine Brigade Commander Brigadier General Larry C. Battala, isinasagawa ang mga peace covenant sa kanilang mga area of operations bilang bahagi ng paghahanda para sa mapayapang pagsasagawa ng halalan.

Kasabay nito, nire-refresh din ng brigada ang kaalaman at kasanayan ng kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng mga training kaugnay ng kanilang magiging tungkulin sa panahon ng eleksyon.

Sinabi ni Battala na bagama’t pamilyar na ang mga Marines sa seguridad para sa national at local elections, iba ang paghahandang kinakailangan para sa regional election na unang pagkakataon nilang haharapin sa BARMM.

Kabilang sa mga isinagawang pagsasanay ang checkpoint operations at pagtalakay sa papel ng mga Marines sa mismong proseso ng halalan.

Layunin ng mga hakbang na matiyak na handa ang mga tauhan sa kanilang mga responsibilidad at makatulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan habang papalapit ang Bangsamoro Parliamentary Elections.