Pinalakas ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office o MDS PPO ang seguridad sa mga paaralan matapos kumalat sa social media ang isang insidente ng pamamaril.

Pinangunahan ni PMAJ Pablo C. Boloy Jr., Chief ng Provincial Community Affairs Development Unit o PCADU, ang school visitation at security assessment.

Sinuri sa aktibidad ang security protocols ng paaralan at pinalakas ang koordinasyon sa mga school administrator at security personnel upang maprotektahan ang mga estudyante, guro at kawani.

Inilahad din ni PMAJ Boloy ang proposed Implementation Plan para sa simulation exercise, lecture at iba pang aktibidad na nakatuon sa school safety at pag-iwas sa karahasan.

Kasabay nito, hinikayat ng MDS PPO ang publiko na maging mapagmatyag, agad iulat ang kahina-hinalang aktibidad at maging responsable sa paggamit ng social media upang maiwasan ang pagkalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot at pangamba.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga paaralan, magulang at iba pang katuwang upang mapanatili ang ligtas na learning environment.