Nasawi ang isang meat vendor matapos malunod nang tumaob ang sinasakyang bangkang de-manong tumatawid sa ilog sa Sitio Makalian, Barangay Edcor, Buldon, Maguindanao del Norte, dakong alas-5:40 ng hapon kahapon, Hulyo 21.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Cyruz Martinez, nasa hustong gulang, may asawa, at residente ng Poblacion 8, Midsayap, Cotabato Province.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Buldon Municipal Police Station, kabilang ang biktima sa 12 pasaherong sakay ng bangkang de-manong ginagamit sa pagtawid sa ilog. Habang papalapit sa kabilang pampang, naputol umano ang gabay na lubid na kumokontrol sa bangka dahilan upang mawalan ito ng balanse at tumaob.
Agad na nakalangoy patungo sa ligtas na lugar ang karamihan sa mga sakay. Gayunman, hindi na nakatawid ang biktima at nalunod.
Ayon sa pahayag ng kapatid ng biktima, nakasuot umano ito ng mahabang pantalon at jacket nang mangyari ang insidente, na posibleng nakaapekto sa kanyang kakayahang makalangoy matapos mahulog sa ilog.
Narekober ang biktima ngunit wala na itong malay at idineklarang dead on arrival.
Dinala ng pamilya ang labi ng biktima sa Midsayap Diagnostic Center para sa kaukulang pagsusuri at iba pang kinakailangang proseso.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Buldon Municipal Police Station upang matukoy ang kabuuang pangyayari, kabilang ang napaulat na pagkaputol ng gabay na lubid na naging sanhi ng pagtaob ng bangka.

















